Angelica Panganiban, humingi ng tawad sa pagsuporta kay Duterte noong eleksyon 2016

Photo: Instagram

Aminado si Angelica Panganiban na nagsisisi siyang inendorso noong 2016 national elections si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ito ng aktres matapos ipatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) si Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa umano’y paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Unang naghayag ng opinyon si Panganiban hinggil sa hakbang na ginawa ng NBI, sa Twitter, Abril 1.


“Wala silang mapag-initan. Si mayor Vico talaga? Kung sino pa may natutulong at maayos na sistema, siya pa kakasuhan? HANEP!” sabi niya.

“Eh nasan na yung nagkalat ng virus sa [Makati Medical Center]? So far kasi ‘yun pa lang nagagawa niya. Ikalat ang virus. Mapapamura ka na lang pala talaga,” pagtukoy niya pa kay Sen. Koko Pimentel na nagawang magtungo sa nasabing ospital sa kabila ng pagpapa-test sa COVID-19.

Sa tweet na ito, isang netizen ang nagtanong sa kanya ng: “Nagising ka na ba sa pagka-hypnotize?”

Kalakip ng naturang tanong ay screenshot ng dating Instagram post ng aktres kung saan idineklara niyang si Duterte ang kanyang presidente.

“Yes. Nakakalungkot. Pero oo. Patawarin niyo ko,” sagot ni Panganiban.

Sinundan naman ito ng pagbati ng ilang netizens ng “congrats” at “welcome back”.

Isang Twitter user ang nagsabi pang “Gising na siya!”, na sinagot naman ni Panganiban ng, “Sorry natagalan”.

Facebook Comments