Angelica Yulo, humingi ng patawad sa anak na si Carlos; isyu sa pera at kasintahan, nais na lamang pag-usapan sa pagitan ng pamilya

Humingi ng paumanhin at patawad si Ginang Angelica Yulo sa mga nabitawang salita sa anak na si 2-time Olympic gold medalist Carlos Yulo.

Sa press conference ni Ginang Yulo kasama ang abogado nito na si Atty. Raymond Fortun, batid niya ang mga pagkakamali sa nabanggit sa Facebook page kung saan kaniyang iginiit na ang mga nagsulputan mga pahayag sa X na dating Twitter at ibang social media platforms ay gawa-gawa lamang at pawang mga peke ang account.

Kaugnay nito, ayaw naman at nais ng ginang na pag-usapan na lamang sa pamilya ang isyu sa pera na unang nabanggit ni Caloy.


Hindi rin nagbigay ng pahayag si Ginang Yulo ng tanungin kung tanggap ba ang girlfriend ng anak na si Chole Anjeleigh San Jose kung saan ang usapin ay sa pagitan na lamang daw ng kanilang pamilya.

Sa pahayag pa ni Ginang Yulo, bagama’t hindi na mababawi ang mga nabitawang salita, handa pa rin siya at pamilya na makausap ang anak na si Caloy.

Aniya, nagpatawag siya ng presscon sa huling pagkakataon para matapos na ang isyu at mapag-usapan na lamang ito sa loob ng kanilang pamilya.

Binanggit naman ni Atty. Fortun na wala silang plano na habulin at kasuhan ang mga nagpakalat ng mga fake news sa social media.

Sa huli, binati ni Ginang Angelica ang anak sa nakamit na dalawang ginto sa 2024 Paris Olympics.

Facebook Comments