Anggulong may kinalaman sa kaniyang mga hinawakang kaso, sinisilip ng MPD sa pananambang sa isang piskal sa Maynila

Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Manila Police District (MPD) na tututok sa pag-ambush at pagkakapatay kay Senior Assistant City Prosecutor Jovencio Senados, Chief Inquest Prosecutor ng Maynila kahapon.

Ayon kay MPD District Director Rolly Miranda, pamumunuan ni MPD Deputy Director for Operations Police Colonel Nick Salvador ang SITG Senados at makakasama rito ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Scene of the Crime Operation (SOCO), Homicide at iba pang units ng MPD para sa malawakang imbestigasyon sa nangyaring pagpatay kay Senados.

Sinabi ni Gen. Miranda na magsasagawa na rin sila ng case conference at magkakaroon ng backtracking sa naging ruta ng biyahe ni Senados mula sa Calamba, Laguna hanggang sa Quirino Avenue sa Maynila kung saan nangyari ang pamamaril.


May mga units na rin aniyang tututok sa mga hinawakang kaso ni Senados at sa plate number ng SUV na sinakyan ng mga suspek.

Aalamin din sa imbestigasyon kung talagang kasabwat ng mga suspek ang pulang sasakyan na kasabayan ng SUV ng mga salarin.

Pero batay sa kuha ng CCTV, malaki ang posibilidad na kasabwat talaga ito dahil sa pagbagal ng takbo nito para hindi makausad ng husto ang sasakyan ni Senados para maipit at mabaril ng malapitan ng mga sakay ng itim na SUV.

Ayon kay Gen. Miranda, base sa mga nakuhang basyo sa crime scene, M16 ang ginamit na baril sa pamamaril sa piskal.

Facebook Comments