Anggulong may kinalaman sa kontrata, sinisilip sa kaso ng pagpatay mag-asawa sa Bel-Air, Makati

Tinitingnan ng Makati Police ang posibilidad na alitan sa kontrata ang motibo sa pagpatay sa mag-asawa na sakay ng isang van sa Jupiter St., Bel-Air, Makati City

Sinabi ni P/Chief Master Sergeant Jason David, isa sa mga imbestigador sa kaso, na naiwan sa puting Toyota Hi-Ace van ang tatlong kopya ng lease contract para sa ilang unit ng isang gusali sa Makati matapos ang pagpatay sa mag-asawang sina Bonifacio at Remegia de Vera.

Ang mag-asawang nasawi ay sinasabing konektado sa gusaling nakasaad sa kontrata kung saan building administrator ang nasawing babae at nasa security ng gusali ang mister.


Batay sa kuha sa CCTV ng barangay, unang pumarada sa bangketa sa tapat ng isang saradong Korean restaurant ang van ng mga biktima.

Maya-maya lamang ay dumating na at pumarada sa unahan nito ang isang kulay gray na Mitsubishi Mirage na may plakang MDO-1772 lulan ang isang babae at lalaking suspek.

Unang bumaba ang babae sa kotse at pumunta sa gawing kanan na pintuan ng van, bago makikitang bumabalik na muli sa sasakyan.

Sinundan ito ng paglabas ng kasamang lalaki ng suspek at pumunta rin sa gawing kanan ng pintuan ng van at maya-maya lang ay nakita ng parang gumagalaw, o nayuyugyog ang van ng biktima bago sinundan na ng putok ng baril.

Ang babaeng nakitang lumabas aniya sa kotse ay ang babae rin na nakita sa CCTV ng security ng gusaling pinagtatrabahuhan ng mga biktima kung saan halos isang linggo itong nagpabalik-balik doon.

Ayon sa pulisya, maaaring hindi nagkaintindihan sa kontrata ang magkabilang panig na humantong sa pamamaril.

Palaisipan din sa pulisya kung anong laman ng kulay pulang eco bag at isang sling bag na tinangay ng gunman matapos mapatay ang mga biktima.

Facebook Comments