Anggulong “misencounter”, tinitingnan matapos mapatay ng mga pulis si Calbayog Mayor Rolando Aquino at tatlong iba pa

Nagpulong na ang binuong Special Investigation Task Group o SITG ng Eastern Visayas Philippine National Police at tinalakay ang mga gagawin para sa mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa kaso ng pagkamatay ni Calbayog City Mayor Rolando Aquino at 3 iba pa .

Ayon kay Police Regional Office 8 Dir. Pol. Brig. Gen. Rolando de Jesus, kinukumpirma nyang mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG at Provincial Drug Enforcement Unit ng Samar ang nakabarilan ng grupo ni Mayor Aquino.

Aniya, may sariling operasyon ang mga tauhan ng IMEG at PDEU at nagkataon na nakabuntot sila sa sasakyan ni Mayor Aquino sa tulay ng Laboyao sa Brgy. Lonoy kagabi.


Batay sa inisyal na imbestigasyon, una umanong nagpaputok ang grupo ni Mayor sa tropa ng mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga ito at nauwi na sa engkwentro.

Nilinaw naman ni De Jesus na hindi si Mayor Aquino ang target ng operasyon ng mga tauhan ng IMEG at PDEU na nakabarilan ng grupo nito.

Samantala, kinumpirma naman ni PNP Region 8 Spokesperson Police Col. Bella Rentuaya na anim na ang patay sa nangyaring barilan kabilang na si Mayor Aquino, ang driver nito na si Dennis Abayon at security na si Pol. Staff Sgt. Rodio Sario at isa ang sugatan.

Namatay rin ang team leader ng PDEU at IMEG na si Pol. Capt. Joselito Tabada at ang tauhan nito na si Staff Sgt. Romeo Laoyon at may isa rin sa kanila ang sugatan.

Habang patay rin ang isang sibilyan na tinamaan ng bala ng baril sa kasagsagan ng putukan.

Facebook Comments