Cauayan City, Isabela- Mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang angkas o back rider sa motorsiklo sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang inihayag ni City Mayor Bernard Dy sa kanyang public address sa pamamagitan ng kanyang facebook live.
Aniya, bagamat nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Lalawigan ng Isabela ay hindi pa rin pinapayagan ang ‘angkas’ kahit na asawa o kamag-anak ang isasakay.
Alinsunod aniya ito sa ibinabang guidelines ng Inter Agency Task Force (IATF) sa pagpapatupad ng social distancing.
Kaugnay nito, mananatili pa rin ang ‘number coding’ sa mga pampasaherong tricycle at kung lumabag sa alituntunin ay maaaring hulihin ng mga apprehension team.
Mahigpit pa rin na ipapatupad ang ‘No Mask, No Ride’ policy maging sa drayber ng traysikel at isang (1) pasahero lamang ang dapat na isakay.
Kinakailangan din aniya na maglagay ng alcohol o hand sanitizer sa traysikel para sa pasahero at drayber.
Hinihikayat naman ng alkalde ang kooperasyon ng bawat Cauayeño maging ang mga barangay officials upang maipatupad ng maayos ang mga alituntunin at hakbang sa Lungsod habang sumasailalim ito sa MGCQ upang masugpo at mapigilan ang pagkalat ng sakit na COVID-19.