Angkas, inakusahan ng korapsyon ang technical working group ng DOTr   

Inakusahan ng Motorcycle Hailing Service na Angkas ang Motorcycle Taxi Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) ng korapsyon.

Ito ay kasunod ng mga bagong Regulation Policies na ipinatupad sakop ang Ride-Hailing Service.

Ayon kay Angkas Regulatory and Public Affairs Head George Royeca, hindi regulasyon ang ginagawa ng TWG, kundi katiwalian.


Aniya, kaduda-duda ang mga naging hakbang ng TWG.

Iginiit ni Royeca, tila pinaspasan ng TWG ang evaluation at pinipilit na alisin sa angkas ang 17,000 bikers nito.

Matatandaang pinalawig ng LTFRB ng anim na buwan ang pilot run ng Motorcycle Ride-Hailing Operations, kasama ang bagong players, ang ‘Joyride’ at ang ‘Move It.’

Naglabas din ng bagong polisiya kung saan hanggang 30,000 bikers lamang ang pwedeng mamasada sa Metro Manila habang 9,000 sa Metro Cebu na hahatiin sa tatlong competitors.

Depensa naman ng LTFRB, hindi mababawasan ang bilang ng motor taxis sa kalsada bagkus ay madaragdagan pa ito sa pagpasok ng 2 bagong players na Move It at Joyride.

Papayagan silang magpasada ng tig-10,000 units, kapareho ng Angkas para maiwasan ang monopoliya ng Angkas.

Tiniyak naman ng Angkas na susunod sila sa utos ng LTFRB na magsumite ng 10,000 pangalan pero ipaglalaban nilang manatili sa trabaho ang 17,000.

Ang Angkas ay kasalukuyang mayroong 27,000 partner-bikers.

Facebook Comments