Angkas ng pulis na si PCpl. Sabillo na nakapatay sa isang binatilyo sa Rodriguez, Rizal, positibo sa drug test

Nagpositibo sa iligal na droga ang sibilyang angkas sa motorsiklo ng pulis na nakapatay sa isang binatilyo sa Rodriguez, Rizal kamakailan.

Ayon kay Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, positibo sa methamphetamine o shabu si Jeffrey Baguio.

Habang negatibo naman sa ilegal na droga ang suspek na pulis na si PCpl. Arnulfo Sabillo.


Lumabas na rin ang paraffin test ng dalawa kung saan kapwa sila negatibo sa gunpowder nitrates.

Sa ngayon, nakakulong at nasampahan na ng reklamong homicide at attempted homicide sina Sabillo at ang sibilyang si Baguio.

Sa paunang imbestigasyon napatay ni Sabillo ang 15 taong gulang na biktima na si John Francis Ompad na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanyang dibdib.

Hinahabol kasi ng mga pulis ang kapatid ng biktima na tumakas matapos sitahin habang nakamotorsiklo.

Depensa naman ng kapatid nito, natakot siya kay Sabillo dahil hindi ito nakauniporme at tila nakainom pa ng alak.

Facebook Comments