Handa na ang nasa 27,000 na motorcycled taxi unit na makikilahok sa nasabing pilot run kung saan nasa ilalim ng training ang mga driver simula pa noong June 13.
Sa isinagawang joint presscon ng Angkas at Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP), ang mga ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na pagsisimula ng anim na buwang pilot run ng Angkas.
Ayon sa mga opisyales ng Angkas – wala pa namang eksaktong petsa kung kailan magsisimula ang pilot run pero may posibilidad na ngayong linggo ito magsimula.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang training ng mga driver sa Cebu.
Nito lamang Mayo ay nagpalabas ang Department of Transportation (DOTr) ng alituntunin para sa pansamantalang pag-operate ng mga motorcycled taxi sa bansa.
Ang guidelines ay pinamumunuan ng DOTr na dapat nakasuot ng reflectorized vest at helmet ang driver, helmet naman sa mga pasahero at dapat rin na mayroong pangalan ng driver sa kaniyang vest.
Kinakailangan ding magbigay ang Angkas ng data tungkol sa mga banggaan, passenger complain at iba pang insidente na kasasangkutan ng kanilang units.