Angkas sa motorsiklo, nalaglag sa bangin makaraang tangayin ng malakas na hangin

Representation photo from ABSFreepic.com

DIGOS CITY – Nasawi ang isang babae matapos siyang mahulog sa bangin nang hampasin ng malakas na hangin habang naka-angkas sa motorsiklo sa Barangay Cogon, Sabado ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Kristelle Ann Abapo, 24-anyos.

Kuwento ng mga saksi, mabagal lamang ang takbo ng motorsiklo subalit pagdating sa nasabing barangay, tinangay sila ng malakas na hangin dahilan para sumabit ang biktima sa nakalambiting kable bago tuluyang malaglag sa bangin.


Labis ang paghihinagpis ng mister ni Kristelle na si Felkim sa nangyaring disgrasya.

Ayon sa naulilang asawa, patungo dapat silang dalawa sa bukid ngunit nagpaalam raw ito na kukuha muna ng jacket.

Hindi lingid sa kaalaman niya, pumunta pala ang maybahay sa isa pang karagtig barangay upang kuhanin ang mga ibon na ireregalo sana sa limang-taong-gulang na supling.

Nakaligtas naman ang driver ng motorsiklo na si Froilan Ladio at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Sa ngayon, hirap pa daw si Ladio sa paglalakad at pagsasalita bunsod ng mga tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Facebook Comments