Angkas, sinita ng senador sa pagsibak sa 100 non-professional drivers nito

Tinuligsa ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo ang motor-taxi platform na Angkas sa biglang pagsibak sa halos 100 non-professional riders noong katapusan ng taon na wala man lamang due process.

Noong una ay nasita ni Tulfo ang Angkas sa pagpayag nito na magmaneho ang kanilang mga non-professional riders gayong malinaw sa regulasyon na dapat professional ang kanilang licenses pero matapos ang pagdinig noong Disyembre ay pinagtatanggal ang mga ito ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS).

Giit ni Tulfo, ang mga riders na na-deactivate at inalis sa platform ay pinangakuan ng Angkas ng tulong kung saan itataas ang kanilang accreditation sa professional rider status.


Kinwestyon ng senador ang Angkas kung bakit mula noong March ng nakaraang taon na nakatanggap sila ng show cause order ay hindi gumawa ng paraan ang motor-taxi platform para tulungan ang kanilang mga non-professional riders sa professional.

Kinumpirma ni George Royeca, CEO ng Angkas, na pinayagan nila ang mga non-professional drivers na bumyahe sa Angkas platform na may layuning gamitin muna sila sa mga deliveries habang sumasailalim sa dalawang buwang pagsasanay para i-convert ang mga ito sa professional license holders subalit may mga ulat na nagsasakay ng mga pasahero ang mga non-pro drivers dahil sa pangakong professionalization ng kanilang lisensya pero ito naman ay direktang paglabag sa RA 4136.

Facebook Comments