Posibleng magamit bilang ebidensya ang halos tatlong talampakang angkla na nakuha ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa pinutol na floating barriers na inilagay ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Sa press briefing ngayong hapon, ipinakita pa ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang na-recover na angkla at ang bahagi ng makapal na lubid na nakabit dito.
Ayon kay Tarriela , ipinauubaya na ng PCG sa National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) at ilan pang ahensya ng gobyerno kung gagamitin ito bilang ebidensya.
Kinumpirma rin ni Tarriela, na tuluyan nang nawala ang nakaharang na floating barrier, na posibleng inalis na rin ng China, matapos itong lumundo nang maalis sa pagkakaangkla ang isang bahagi nito.
Malaking bagay para sa PCG na naalis ang harang, dahil sa makakapangisda na ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar.