Hindi lamang pagbaba ng gastos ang hatid ng bagong solar water pump sa Barangay Zone 5, Carosucan Sur, kundi inaasahan ding magbubukas ito ng mas mataas na produksyon para sa mga magsasaka sa lugar.
Sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR), naipatupad ang proyektong solar-powered irrigation system na kayang patubigan ang humigit-kumulang 10 ektaryang lupain na isang hakbang na direktang makaaapekto sa dami at kalidad ng ani ng mga benepisyaryong magsasaka.
Ayon sa ilang magsasaka, dati’y malaking bahagi ng kanilang kita ang napupunta sa diesel para sa patubig.
Sa paglipat sa solar-powered system, nabawasan ang gastusin sa operasyon, na nagbibigay-daan upang mas mailaan ang kita sa pagpapalawak ng sakahan at pagpapabuti ng ani.
Personal ding bumisita ang alkalde ng bayan upang inspeksyunin ang proyekto.
Aniya, hindi lamang pagtitipid ang layunin ng proyekto kundi ang pangmatagalang pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mas episyenteng sistema ng patubig.
Sa kabuuan, inaasahang magsisilbing tulay ang solar irrigation project upang mapataas ang produksyon sa agrikultura sa lugar, kasabay ng pagbibigay ng mas matatag at pangmatagalang kabuhayan para sa mga magsasaka. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










