Anim Libong Estudyante Nakibahagi sa NSED sa Cauayan

Cauayan City, Isabela – Nakibahagi ang Cauayan City National High School sa isinagawang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong Hunyo 20, 2019.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Assistant Principal Basilio Tadaya Jr, kanyang sinabi na naging maayos ang aktibidad na nilahukan ng kanilang 6, 422 na mag-aaral.

Ang Cauayan National High School ay isa sa mga pinakamalalaking eskuwelahan dito sa Lalawigan ng Isabela.


Maliban sa Cauayan City Bureau of Fire Protection, LGU Cauayan at Cauayan City School Disaster Risk Reduction Management Council (SDRRMC) ay pangunahing gumanap sa isinagawang earthquake drill ang kanilang mga estudyanteng kasapi ng City High Bamboo Rescue Squad, Jr Fire Brigade, Red Cross Youth at Bamboo Fire Brigade na pawang may kasanayan bilang first responders at first aiders.

Kasama pa na ibinida ni Assistant Principal Tadaya Jr na sa pamamagitan nina Ginang Alice Ravelo na siyang pinuno ng SDRRMC at ni Ginang Rachel Faith Siyang na silang nagsisilbi bilang mga tagagabay sa mga estudyante may kaugnayan sa kahandaan sa sakuna ay masasabing napakagaling ang kanilang kaalertuhan sa anumang di inaasahang mangyayari.

Lalo pa at may dalawang matataas na bagong gusali ang kanilang eskuwelahan na bagong tayo lamang.

Ag kanilang mahigit anim na libong estudyante ay isinagawa ang pamosong “duck, cover and hold” na siyang pangunahing dapat tandaan kapag may tatamang malakas na lindol.

Natutuwa naman ang naturang Assistant Principal na sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad ay napapalaganap ang kamalayan ng kanilang mag-aaral sa kahandaan sa anumang uri ng sakuna.

Samantala, ang CNHS ay nasa ilalim ng pamumuno ni Principal John Mina na kasalukuyang dumadalo sa Cauayan City School’s Division Management Committee Conference nang isinagawa ang NSED sa naturang paaralan.

Facebook Comments