Nasa anim na barangay ang nakatakdang i-lockdown ng lokal na pamahalaan ng Maynila dahil sa patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, naglabas siya ng Executive Order para isailalim sa lockdown ang Barangay 185, Zone-16 sa Tondo na nakagpatala ng 11 kaso at Brgy. 521, Zone- 52 sa Sampaloc na may 12 kaso.
Kasama rin sa ila-lockdown ang Brgy. 374, Zone – 38 sa Sta. Cruz; Brgy. 628, Zone-63 sa Sta. Mesa at Brgy. 847, Zone-92 sa Pandacan na may tig-10 kaso gayundin ang Brgy. 675, Zone – 74 sa Paco, Manila na may 22 kaso ng COVID-19.
Magsisimula ang apat na araw na lockdown sa alas-12:00 ng hatinggabi ng Miyerkules na magtatapos ng alas-11:59 ng gabi ng Sabado.
Sinisiguro naman ni Mayor Isko na hindi magugutom ang mga pamilyang maapektuhan ng lockdown dahil padadalhan nila ito ng mga food boxes.
Bukod dito, aatasan ng alkalde ang Manila Police District at mga opisyal ng barangay na paigtingin ang kaayusan at kapayapan sa mga ila-lockdown na mga lugar.
Habang naka-lockdown naman, magsasagawa ang Manila Health Department ng contact tracing at swab test sa ilang mga residente na nakasalamuha ng mga nagpositibo.