Inalerto na ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang anim na bayan sa lalawigan dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Pepito.
Ayon kay PDRRMO Head Jimmy U. Rivera, nasa higit 60% ang tiyansang direktang tatamaan ng bagyo ang Eastern Isabela.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ay mga bayan ng Palanan, Dinapigue, at silangang bahagi ng San Mariano at mga bayan sa hilagang bahagi ng Aurora partikular sa Dinalungan, Casiguran at Dilasag.
Inatasan na rin ng mga bayan ng Palanan, Dinapigue, Echague, Jones, San Agustin at San Mariano na paganahin ang kanilang Local Disastern Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Hinimok naman ni Provincial Administrator Noel Manuel R. Lopez ang mga lokal na pamahalaan na ihanda ang mga pasilidad na gagamiting evacuation sites sa oras na magkaroon ng emergency.
Ang mga gagamiting evacuation sites ay dapat ihawala sa mga pasilidad na ginagamit bilang COVID-19 quarantine facilities para maiwasan ang banta ng transmission.
Nakabantay na rin ang 420 personnel ng Philippine National Police (PNP) at ang maintenance crew at technical personnel ng engineering offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Handa ring umalalay ang uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga matinding tatamaan ng bagyo.
Gumagana na rin ang 24/7 standby maintenance ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO).