Naaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM), ang anim na bilyong pisong pondo para sa “Walang Gutom 2027”, ang flagship program ng Marcos administration para sa susunod na taon.
Sa news forum sa Quezon City na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Edu Punay na ang halagang ito ay ang budgetary requirements ng DSWD para sa susunod na taon.
Nagpasalamat naman si Usec. Punay, sa Executive Order 44 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil naging flagship program ng pamahalaan ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.”
Hanggang kalagitnaan aniya ng taon sa susunod na taon ang magtutuloy-tuloy ang pilot implementation ng programa.
Target aniya ng DSWD ang 3,000 pamilya sa limang pilot sites ito ay ang Tondo sa Maynila; Dapa sa Siargao; San Mariano sa Isabela; Garchitorena sa Camarines Sur; at, Parang sa Maguindanao.
Ang mga lugar na ito ay natukoy ng partner-implementer ng DSWD na United Nations (UN) World Food Programme.