Anim na Casualties, Naitala sa Lalawigan ng Cagayan!

*Tuguegarao City, Isabela- *Nasa anim na katao ang naitalang namatay habang nasa walong sugatan naman ang naitala sa lalawigan ng Cagayan matapos itong tumbukin ng Bagyong Ompong.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni PNP Cagayan Provincial Director Police Senior Superintendent Warren Tolito na pawang mula sa mga liblib na lugar sa iba’t-ibang bayan ng Cagayan ang mga namatay.

Aniya, ilan umano sa mga namatay ay maaaring nagpumilit na manatili sa kanilang bahay at maaaring nabagsakan ang mga ito ng mga natumbang punong kahoy.


Kaugnay nito ay abala ngayon ang buong pamunuan ng PNP Cagayan sa kanilang isinasagawang Clearing Operations sa mga bayan lalo na sa bayan ng Baggao na Landfall area ng Bagyong Ompong.

Magsasagawa rin umano sila ng monitoring sa mga lugar na nasa pinakahuling bahagi ng lalawigan ng Cagayan gaya ng Calayan island upang masuri at mabigyan ng tulong mula sa hanay ng PNP Cagayan.

Samantala, brownout parin sa ngayon sa malaking bahagi ng lalawigan ng Cagayan dahil marami paring inaayos na poste at kawad na itinumba ng bagyong Ompong.

Facebook Comments