ANIM NA DELIQUENT EMPLOYERS, SINORPRESA NG SSS

Sa pangalawang pagkakataon ay muling sinorpresa ng mga kawani at opisyal ng Social Security System (SSS) Luzon North 2 Division ang anim (6) na mga delinkwenteng employer o may mga hindi nabayarang kontribusyon sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng ikinasang Run After Contribution Evaders o RACE Campaign.

Limang (5) establisyimento sa Lungsod ng Santiago at isa sa bayan ng Cordon ang binisita ng RACE team na nakitaan ng paglabag sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.

Pinangunahan ang operasyon nina Ginoong Porfirio Balatico, Vice President ng SSS Luzon North 2 Division at SSS Legal Officer Atty. Vicente Sol Cuenca kasama ang mga kawani ng SSS Santiago at Cauayan City branch.

Kasabay ng pagsorpresa ng grupo sa mga deliquent employers, hinikayat ang mga ito na bayaran ang kanilang penalty at kontribusyon ng kanilang manggagawa sa pamamagitan ng pag-avail ng Pandemic Relief and Restructuring Program 3 (PRRP 3) para maayos na ang kanilang problema.

Kaugnay nito, nangako naman ang isang deliquent employer sa Santiago City na aayusin na nito ang di nabayarang kontribusyon ng kanyang mga manggagawa kasama na ang naipong penalties.

Samantala, kung hindi magbabayad ang mga nabisitang employer ay gagawa na ng legal na aksyon ang nasabing tanggapan sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments