ANIM NA ELECTION PROTESTS, INIHAIN MULA SA PANGASINAN

Umabot na sa anim na election protest ang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) Region 1 mula sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, mas mataas ang bilang ng mga reklamong ito kumpara sa mga inihain noong 2022 National and Local Elections.

Karamihan sa mga naghain ng protesta ay naniniwalang may naganap na iregularidad o dayaan sa halalan noong Mayo 12.

Batay sa datos mula sa mga awtoridad, ang mga lugar na pinagmulan ng mga reklamo sa Pangasinan ay ang mga bayan ng Rosales, Tayug, Natividad, San Nicolas, San Quintin, at Sual.

Kasabay ng mga inihaing protesta ay ang kahilingan para sa manual recount ng mga boto.

Nilinaw ni Atty. Oganiza na may itinalagang proseso ang COMELEC kaugnay nito.

Paliwanag niya, nasa hurisdiksyon ng korte ang pagdedesisyon kung may sapat na basehan ang reklamo. Kapag napatunayang may merito ang protesta, maaaring ituloy ang proseso ng manual verification. Sa yugtong ito, bubuksan ang mga opisyal na balota upang bilangin muli sa harap ng mga revisors.

Dagdag pa ni Oganiza, karapatan ng bawat kandidatong kumwestiyon sa resulta ng halalan ang magsampa ng protesta, ngunit ito ay dapat maisumite sa loob ng 10 araw matapos ang proklamasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments