Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang anim na financial service providers (FSPs) na nagsagawa ng digital electronic disbursement ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ay pumasa sa qualification requirements ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ito ay matapos kwestyunin ni Senator Manny Pacquiao ang cash releases ng Starpay, isa sa FSPs na nagsagawa ng digital payment ng SAP 2.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, ang mga FSP ay inimbitahan para sa selection process, at inatasan din ang mga ito na magsumite ng proposal.
“Ang lahat ng prospective FSPs kasama ang Starpay ay pinadalhan ng imbitasyon para makasali sa selection process. Sila din ay pinagsubmit ng proposal na kani-kanilang prinesenta sa isang pagpupulong kasama ang DSWD, DICT (Department of Information and Communications Technology), at Bangko Sentral. Mula sa kanilang presentasyon nagbigay ng rekomendasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas para mabuo ang terms of reference,” sabi ni Bautista.
Naniniwala si Bautista na pumasa ang mga FSP sa criteria at qualification na naaayon sa guidelines ng BSP.
“Anim na financial service providers ang napili, at sinabi nga namin sa simula ng proseso ng pagpili hanggang sa ongoing na implementasyon ng SAP 2 digital payment ay katuwang namin ang Bangko Sentral ng Pilipinas kaya ang profile ng mga financial service providers, I believe nakapasa sila sa criteria at qualification na naaayon sa guidelines ng Bangko Sentral ng Pilipinas,” ani Bautista.
Pagtitiyak ni Bautista na ang lahat ng pondong ibinigay sa FSPs ay all accounted at walang nawawalang pondo.
Bukod sa Starpay, ang iba pang FSPs ay ang Robinsons Bank, Unionbank, RCBC, GCash, at Paymaya.