Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang anim na indibidwal dahil umano sa pagbebenta ng hindi otorisadong rapid antigen test kits para sa COVID-19 na nagkakahalaga ng mahigit P1.2 milyon.
Ayon kay PNP-CIDG Director Police Major General Albert Ignatius Ferro, unang isinagawa ang operasyon sa Bacoor City, Cavite, kung saan nahuli sina Maria Eileen Caballero at Mike Anderson Yao at nakuha sa kanila ang dalawang kahon ng test kits na may estimated value na P360,000.
Habang nahuli rin si Maria Lourdes Judith Capucion at nakumpiska sa kaniya ang dalawang kahon ng test kits na tinatayang nagkakahalaga ng P486,000.
Kasunod na isinagawa ang operasyon sa isang condominium sa Ermita, Manila, kung saan natiklo sina Joy Anne Llorca alyas Jas Fernando, Oliver Ong at Julius Caesar Ilagan matapos ang online transaction sa pulis na nagpanggap na buyer.
Narekober sa kanila ang limang kahon ng test kits na tinatayang nagkakahalaga ng P450,000.
Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Section 10 ng RA 9711 o Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009.