Anim na kabataan ang inaresto ng Manila Police District (MPD) matapos makipag-girian sa ikinakasang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo.
Ang mga nasabing kabataan ang mga nagpumilit na makalapit sa embahada ng Amerika.
Kinokondena ng iba’t ibang grupo ang ginagawang pangingialam ng gobyerno ng Amerika sa Pilipinas.
Panawagan pa ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ginagamit lamang ng US ang Pilipinas sa hindi magandang paraan at nadadamay lang daw ang bansa sa gulong kinakasangkutan ng Amerika.
Giit pa ng KMU, dapat ay tutukan ng pamahalaan ang mga manggagawa na hirap sa kasalukuyan at huwag ang ginagawang pakikialam ng Amerika.
Nabatid na nagsama-sama na ang iba’t ibang grupo para magsagawa ng programa at iba pang aktibidad kasabay pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.