
Kasado na ang kauna-unahang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa India sa susunod na linggo.
Makakasama ng pangulo sa Philippine delegation ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Department of Trade and Industry (DTI), Special Assistant for Investment and Economic Affairs (SAPIEA), at ilang miyembro ng gabinete.
Sa Malacañang press briefing sinabi ni DFA Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Evangeline Ong Jimenez-Ducrocq, anim na kasunduan ang inaasahang lalagdaan ng Pangulo sa kaniyang state visit na may kinalaman sa batas, kultura, science and technology, at iba pang itinuturing na key areas.
Pero ayon sa DFA, posible pa itong madagdagan habang patuloy na pinaplantsa ang mga schedule ng pulong ng pangulo.
Makakaharap ni Pangulong Marcos sa state visit si Indian President Droupadi Murmu, bago humarap sa isang bilateral meeting kasama si Prime Minister Narendra Modi, para talakayin ang kooperasyon ng Pilipinas at India sa larangan ng ekonomiya, depensa at seguridad, pulitika, kalakalan at investment, people to people exchanges, at ilang isyu sa rehiyon.
Makakapulong din ng pangulo ang ilang ministers at ang pangulo ng ruling political party sa India na BJP, maging ang Filipino community sa New Delhi.
Batay sa datos ng ahensya, nasa 1,356 ang Pilipino sa India, na karamihan ay nakapangasawa ng Indian national at mga practicing professionals.









