Manila, Philippines – Libo-libo ang nagtipon-tipon sa Rizal Park na mga Muslim maging sa mga Mosque kanina upang gunitain ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice kasabay ng pagtatapos ng taunang Hajj Pilgrimage sa Mecca Saudi Arabia.
Sa pagtaya ng Manila Police District -Tactical Operation Center nasa libong mga Muslim ang pagtipun-tipon sa Luneta partikular sa likod ng Monumento ni Rizal para sama samang magdasal.
Marami sa mga nakiisa sa pagdiriwang ng Eid’l Adha sa Rizal Park ay dumating kasama ang buong pamilya.
Bitbit nila ang kanilang mga pansapin at suot ang magarang mga abaya at hijab o mga kasuotang pang muslim sabay- sabay silang nagdasal nakaharap sa direksyon ng Kanluran na pinaglulubugab ng araw at kung saan naroroon din ang direksyon ng banal na Mecca.
Kasama sa nakiisang Muslim mula sa Quiapo, Tondo, Mindanao at meron ding mga dayuhang muslim.
Ayon kay Rasheed Unte na mula sa Marawi City, kapayapaan ang kanilang pangunahing ipinagdasal sa pagdiriwang ng Eid’l Adha at kasama na rito ang kahilingan para sa kapayapaan sa kanilang Lungsod.
Matapos ang pagdarasal sinimulan ala 7 ng umaga, isang Imam ang tumayo sa gitna ng entablado at nagbigay ng mensahe.
Kasama sa binigyang diin ng Imam ang kahalagahan ng pagtitimpi na ipinakita ni Propeta Ibrahim sa pagharap sa kasalukuyang hamon na sinusuong ngayon ng mga Muslim partikular dito sa bansa.