Tinanggal na sa pagkakasailalim sa Special Concern Lockdown ang anim na lugar sa Quezon City na unang binantayan dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 cases.
Kabilang sa mga lugar na ito ay ang Dakila St. sa Brgy. Batasan Hills, Lower Gulod sa Sauyo, Vargas St. at GK Ancop sa Culiat, at Agno St. at ROTC Hunters sa Brgy. Tatalon.
Bumaba na kasi ang bilang ng naitatalang kaso ng nakakahawang virus doon, base sa isinagawang COVID-19 testing ng City Health Department.
Gayunman, nanatili pa rin ang lockdown sa iba pang areas tulad ng Sitio Militar sa Bahay Toro, Kalayaan sa Batasan Hills, Calle 29 sa Libis at Homart Road sa Baesa.
Base sa pinakahuling datus na inilabas ng Quezon City Health Department hanggang kagabi, nadagdagan pa ng pito ang nakarekober sa sakit para sa kabuuang 1,141.
Wala namang nadagdag na bagong pumanaw at nanatiling nasa 194 ang bilang ng mga namatay.
Sa ngayon, nasa 2,404 ang COVID-19 confirmed cases sa Quezon City ayon sa Department of Health (DOH) at 895 dito ang active cases.