Wednesday, January 21, 2026

ANIM NA MOST WANTED PERSON, ARESTADO SA PANGASINAN AT ILOCOS SUR

Anim na Most Wanted Person (MWP) ang arestado ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa magkakahiwalay na operasyon noong Enero 19 at 20, 2026, sa mga lalawigan ng Pangasinan at Ilocos Sur.

Ang mga suspek ay may kinakaharap na mabibigat na kaso tulad ng rape, statutory rape, at acts of lasciviousness.

Sa Pangasinan, dalawang suspek na kapwa Top 1 Most Wanted Person sa antas ng munisipalidad ang arestado noong Enero 19 dahil sa kasong Statutory Rape.

Sa bayan ng Umingan, ang isang 41-anyos na lalaking tricycle driver at residente ng Barangay Poblacion West ang timbog dahil sa apat na bilang ng kasong statutory rape sa bisa ng warrant of arrest na walang inirekomendang piyansa.

Kinaumagahan, timbog din sa Natividad ang isang 27-anyos na lalaking vendor at residente ng Barangay Poblacion East dahil sa dalawang bilang naman ng kasong statutory rape batay sa warrant of arrest.

Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang legal na proseso.

Samantala, sa Vigan City, Ilocos Sur, apat pang suspek na pawang kabilang sa Most Wanted Persons ang arestado sa magkakasabay na operasyon.

Kabilang dito ang isang 23-anyos na lalaking Top 5 City Level MWP na residente ng Barangay Purok a Dackel at isang 19-anyos na lalaking Top 5 Provincial Level MWP na residente ng Barangay Purok a Bassit. Ang dalawang suspek ay nahaharap sa dalawang bilang ng rape.

Bukod pa dito, timbog naman ang isang 18-anyos na lalaking Top 7 City Level MWP na residente rin ng Barangay Purok a Bassit dahil sa kasong acts of lasciviousness at dalawang bilang ng rape. Arestado pa ang isa pang 20-anyos na lalaki mula sa kaparehong barangay na Top 6 City Level MWP ang dinakip dahil sa dalawang bilang din ng rape.

Ayon sa pulisya, matapos ang kanilang pagkakaaresto ay ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at isinailalim sa medical examination bago dinala sa himpilan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments