Anim na NBI security personnel at detainee na si Jad Dera, sasampahan na ng kaso ng DOJ

Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang anim na Security Officers ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-escort sa isang detainee na lumabas ng kulungan ng walang pahintulot ng korte.

Sa desisyon ng DOJ, pinakakasuhan ng paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code ang NBI Security Officer 2 na si Randy Godoy habang paglabag naman sa Article 156 ang isasampa sa iba pang mga tauhan nito na sina Arnel Guanzon, Diana Rose Novelozo, Lee Eric Loreto, King Jera Martin at Pepe Piedad Jr.

Ang mga nabanggit na security personnel ay nagbigay ng escort sa detainee na si Jose Adrian Dera nang lumabas ito ng pasilidad ng NBI ng walang pahintulot ng korte noong June 20 at June 21.


Si Dera ay co-accused ni dating Sen. Leila de Lima sa kasong illegal drugs na kasalukuyang dinidinig sa Muntinlupa City RTC.

Nagsagawa ng operasyon ang NBI laban sa mga opisyal matapos mabisto na iniskortan nila si Dera ng lumabas ng kulungan at namasyal sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para kumain at kitain ang kasintahan nito.

Matapos ang pagsisiyasat ng NBI Task Force on Illegal Drugs, napatunayan nito na may mabigat na ebidensya para isampa ang kaso sa Manila Regional Trial Court.

Facebook Comments