
Arestado ang anim na tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Malate Police Station 9 ng Manila Police District (MPD) matapos umanong masangkot sa kasong robbery hold-up sa Makati City noong gabi ng January 28.
Ayon sa ulat ng Makati City Police Station (CPS), naganap ang insidente bandang alas-7:48 ng gabi sa Arsonbel Street, Barangay San Isidro, Makati City.
Kinilala ang mga biktima na sina Raul Chaves Aragones, Rosemarie Baning y Abarquez, at Manuel Acedo y Diaz.
Samantala, ang mga naarestong suspek ay sina Police Staff Sergeant Mark Louie Dela Cruz Saupan at Patrolmen Marcial Onayan Mariñas, Edernor Cuevas Valencia, Mark Allen Ruben Viaña, Aeron Paul Villasis Joves, at John Vasti Bonagua Virtudes.
Batay sa imbestigasyon, agad umanong nakilala ng mga biktima ang mga suspek na kalauna’y naaresto ng mga tauhan ng Makati CPS sa isinagawang hot pursuit operation.
Lumalabas sa ulat na nakilala ng isang biktima ang dalawang babaeng una niyang nakasalamuha sa Malate, Maynila, at sinamahan umano siya ng mga ito patungong Makati upang kunin ang kaniyang mga gamit.
Pagdating sa lugar, bigla umanong hinarang ng grupo ng armadong kalalakihan ang biktima, tinutukan ng baril, pinadapa, tinalian ang mga kamay, at sapilitang kinuha ang kaniyang mga personal na gamit bago tumakas sakay ng mga motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Makati City Police ang mga suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila, kabilang ang kasong robbery.










