
Ibinulgar ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian sa budget briefing ang anim na uri ng red flags na nakapaloob sa pambansang pondo at sa tingin ng senador, sinadyang ilagay ang mga ito sa National Expenditure Program (NEP).
Kaugnay na rin ito sa kakulangan at limitasyon ng Department of Budget and Management (DBM) na suriin ang mga proyektong isinusumite sa kanila ng mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bunsod nito ay inisa isa-isa ni Gatchalian kung paano matutukoy ang mga red flags sa proyekto.
Una aniya rito ay ang kawalan ng station number ng ilang mga projects at hindi matagpuan kung saang parte ng isang probinsya dahil kulang ang inilagay na address.
Ikalawa aniya ay maraming projects ang duplicate na pareho ang klase, pareho ang address, at pareho ang halaga.
Ikatlong red flag ay hinati-hati sa phases o packages ang iisang infrastructure project na maaari namang pinag-isa lang dahil iisa lang naman ang ilog, barangay o munisipalidad na paggagawaan.
Tinukoy ni Gatchalian na pang-apat na red flag ang “round amounts” na parehong barangay, iba lang ang sitio pero parehong-pareho ang halaga, habang ang pang-lima ay may mga code names ang ibang projects.
Tingin naman ng senador na maituturing na pinakamalala ang pang-anim na red flag kung saan ang proyekto sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) ay inilagay ulit sa 2026 NEP.
Kinalampag ni Gatchalian ang DBM na ireporma ang proseso at maging mas detalyado sa pag-a-analyze ng mga proyekto na ipinapasok sa NEP.









