Anim sa bawat 10 Pilipino, naniniwalang mapanganib ang maghayag ng anumang kritikal sa Duterte Administration – SWS Survey

Kumbinsido ang 65-porsyento ng mga Pilipino na mapanganib ang mag-print o mag-broadcast ng anumang kritikal sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 65% ang sang-ayon, 18-percent ang undecided, habang 16% ang hindi naniniwala.

Katumbas ito ng Net Agreement Score na +49 o “strong” mataas sa +21 (moderate) noong Hulyo 2020.


Marami ang naniniwala sa Mindanao na nasa +58, kasunod ang Visayas (+55), Balance Luzon (+47), at Metro Manila (+30).

Lumalabas din sa survey na 65% ang nagsabing kaya nilang sabihin ang kahit ano na walang takot laban sa administrasyon, 16% ang undecided at 19% ang hindi sang-ayon.

Katumbas naman ito ng net agreement score na +46 o “strong”

Mataas ang net personal freedom sa Visayas (+59), kasunod ang Mindanao (+55) , Balance Luzon (+42), at Metro Manila (+28).

Ang survey ay isinagawa mula November 21 hanggang 25, 2020 sa 1,500 respondents

Samantala, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na iginagalang ang malayang pamamahayag sa bansa at protektadong karapatan ito ng bawat Pilipino sa ilalim ng Saligang Batas.

Facebook Comments