Anim ang sugatan matapos ang aksidente ng isang motorsiklo at tricycle bandang ala-una bente ng madaling araw nitong Nobyembre 30, 2025, sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Baay, Lingayen.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sangkot sa insidente ang isang tricycle na minamaneho ng 25 anyos na lalaki, sakay ang tatlong estudyante mula sa nasabing barangay.
Kabilang din sa aksidente ang isang motorsiklo na minamaneho ng 23 anyos na lalaking nasa ilalim ng impluwensya ng alak, angkas ang isang 36 anyos na babae.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na binabagtas ng tricycle ang direksyong silangan patungong kanluran at papalikong kaliwa habang naka-flasher.
Sa parehong direksyon, dumating ang motorsiklo na umano’y mabilis ang takbo at nagtangkang mag-overtake, dahilan upang mabangga nito ang hulihang bahagi ng tricycle.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang driver, mga pasahero ng tricycle, at angkas ng motorsiklo, na agarang isinugod ng LDRRMO sa ospital para sa medikal na atensyon.
Kasalukuyan pang tinataya ang halaga ng pinsala sa dalawang sasakyan habang nasa kustodiya ng awtoridad para sa tamang disposisyon.







