Animal welfare advocates, nagkilos-protesta sa harapan ng Japanese Embassy kontra sa dolphin hunt sa Japan

Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, nagsagawa pa rin ng kilos-protesta ang Marine Conservation and Animal Welfare Advocates sa tapat mismo ng Embahada ng Japan sa Pasay City.

Ito’y laban sa taunang panghuhuli ng dolphins sa Taiji, Japan.

Ayon sa grupo, madalas ginugutom ang mga nahuhuling dolphin para magpakitang-gilas sa mga show o palabas.

Noong mga nakaraang dekada, mahigit 1,000 dolphin umano ang pinapatay bawat taon ng mga nanghuhuli sa Taiji at humigit-kumulang 100 naman ang kinukuhang buhay.

Matatandaan taong 2023–2024, iniulat nila na humigit-kumulang 833 dolphin ang pinatay.

Inorganisa ang protestang bahagi ng global Japan Dolphin Day campaign, ng Earth Island Institute Asia Pacific, kasama ang Philippine Animal Welfare Society at iba pang allied groups.

Bitbit ang mga placard, tarpaulin at daan-daang origami dolphins, sigaw ng advocates na tigilan na ang panghuhuli ng mga dolphin kasabay ng paghimok sa publiko na iwasan ang dolphin shows at suportahan ang ethical marine ecotourism.

Facebook Comments