Anomalya sa fertilizer, hindi na mauulit ayon sa DA matapos ang inilabas na implementing guidelines para sa paggamit ng bio fertilizers ng mga magsasaka

Isang implementing guidelines ang binuo ng Department of Agriculture (DA) upang magsilbing gabay ng kanilang regional offices at mga magsasaka sa paggamit ng bio fertilizers.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na nakasaad ito sa inilabas nilang Memorandum Order (MO) No. 32.

Aniya naglabas sila ng MO upang maging maayos ang pagpapatupad ng paggamit ng bio fertilizers at hindi na maulit ang mga anomalya sa fertilizer noong mga nakalipas na taon na hanggang ngayon ay pinagdudusahan ng mga dati nilang mga opisyal sa DA.


Ipinaliwanag naman ni Sebastian kung bakit isinusulong ngayon ng pamahalaan ang paggamit ng biofertilizer.

Ito aniya ay para mapataas ang produksyon ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura sa bansa.

Nang mga nakaraang taon aniya ay nagkaproblema ang bansa sa produksyon ng bigas dahil sa sobrang mahal ng presyo ng imported na inorganic fertilizers o urea.

Nakita rin aniya nilang bumagsak na ang kalidad ng lupa sa bansa kaya mababa ang produksyon ng bigas.

Ito aniya ang mga rason kung bakit dapat nang isulong ng gobyerno ang balanced fertilization sa pamamagitan ng paggamit ng bio fertilizers at inorganic fertilizers.

Naniniwala si Sebastian na kailangang mapagamit ang bio fertilizers sa lahat nang magsasaka sa bansa para maging sustainable ang produksyon ng bigas sa bansa hindi lang ngayon kundi sa hinaharap.

Facebook Comments