Binigyang diin ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na ngayong nasa isang public health emergency ang bansa, mas lalong hindi dapat palampasin ang patuloy na problema sa PhilHealth na ahensyang dapat naniniguradong may universal healthcare access ang mga Pilipino.
Diin ni Go, pera ng taumbayan ang pondo ng PhilHealth na dapat ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong medikal kung saan ni piso ay hindi dapat manakaw o masayang.
Bunsod nito, iginiit ni Go sa liderato ng PhilHealth na tuldukan ang mga anomalya sa ahensya.
Suportado din ni Go gayundin ni Senator Joel Villanueva ang anumang imbestigasyon sa PhilHealth.
Samantala, binanggit naman ni Senator Villanueva na hindi dapat maisantabi ang nabunyag na anomalya sa PhilHealth na hindi katanggap-tanggap lalo na ngayong may pandemya at ito ay isang pagtataksil sa bayan.