Anomalya sa PhilHealth, iimbestigahan din sa Kamara

Magpapatawag ng motu proprio investigation si House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor kaugnay sa mga iregularidad at alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.

Ayon kay Defensor, noon pa man ay binalaan na niya si PhilHealth President and CEO Ricardo Morales sa mga raket na ginagawa sa loob ng tanggapan kaya walang maipakitang Commission on Audit (COA) report ang PhilHealth noong nakaraang budget hearing.

Kasabay nito ay itutulak din ni House Minority Leader Benny Abante ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga anomalya sa PhilHealth.


Sinabi ni Abante na nakakatanggap siya ng mga reklamo tungkol sa isang modus kung saan inilalagay na COVID-19 ang sakit ng isang pasyente kahit iba ang sakit nito para lamang makakuha ng malaking diskwento.

Plano namang maghain ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ng panibagong resolusyon para masilip ang mga katiwalian sa ahensya.

Iginiit ni Zarate na kung hindi mahihinto ang korapsyon sa PhilHealth ay mauubos ang pondo nito lalo na ngayong nasa gitna tayo ng pandemya.

Mababatid na kamakailan ay ilang opisyal na ng PhilHealth ang nagbitiw sa pwesto bunsod ng katiwalian sa tanggapan at ang mga napaulat na mabilis na paglalabas ng pondo ng PhilHealth sa ilang mga pagamutan na may iisa lamang na COVID-19 case.

Facebook Comments