Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker Prospero Pichay ang iregularidad na kinasangkutan ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel.
Sa inihaing House Resolution 1756 ni Pichay, ipinasisilip niya sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang ginawa ng gobernador na sobrang paniningil at pagsuspinde sa quarrying ng buhangin at graba sa unang distrito sa Surigao del Sur.
Nakasaad sa resolusyon na batid umano ng mga taga lalawigan ang paniningil ni Pimentel ng ₱100 sa bawat cubic meter ng sand and gravel quarrying na sobra sa itinakdang ₱50 na dapat lamang kolektahin ng provincial government.
Bukod dito ay wala ring resibong iniisyu ang pamahalaang panlalawigan.
Inirereklamo rin ng unang distrito ang hindi pagbibigay ng gobernador ng permit sa mga aplikante ng sand and gravel quarrying sa kabila ng kumpleto namang naisumite ang lahat ng requirements.
Naniniwala si Pichay na layon lamang ng provincial governor na pahirapan at bigyang sala ang mga kalaban nito sa pulitika sa probinsya dahil ang mga ginawa umano ni Pimentel ay walang sapat na basehan at hindi rin makatarungan.