Pina-a-amyendahan ng Senado ang Anti-Agricultural Smuggling Act na naisabatas noong 2016.
Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chairman Cynthia Villar, nagusap na sila ni Senator JV Ejercito para repasuhin at amyendahan ang batas.
Pinuna ni Villar na inilagay ng Bureau of Customs (BOC) sa implementing rules and regulations ng batas na ang ahensya mismo ang magpapasya kung economic sabotage o hindi ang smuggling ng agricultural products.
Ito aniya ang dahilan kaya walang napaparusahan dahil sa “conflict of interest” na mismong ang BOC na sabit din sa mga krimen ang siyang bumuo ng IRR.
Ihahain naman ni Ejercito ang panukala para amyendahan ang batas kung saan maliban sa BOC ay isasama na ang Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng batas laban sa pagpaparusa ng mga sangkot sa agricultural smuggling.
Isasama na rin sa batas ang profiteering, cartel, at hoarding ng agricultural products sa ituturing na economic sabotage upang ganap na maprotektahan ang mga Pilipinong magsasaka.