Anti-Agricultural Smuggling Act, pina-a-amyendahan ng Senado

Isinusulong sa Senado ang panukala na magpapalakas sa batas laban sa mga kumokontrol sa suplay ng mga produktong agrikultural na laging sanhi sa pagtaas ng presyo.

Pina-aamyendahan ng Senate Bill 1688 na inihain ni Senator JV Ejercito ang Anti-Agricultural Smuggling Act o Republic Act 10845.

Layunin ng panukala na palakasin ng husto ang umiiral na batas para maprotektahan ang mga magsasaka at magkaroon ng sapat na suplay para sa mga consumer.


Sa panukala ay partikular na ipinatuturing na mabigat na krimen na economic sabotage ang hoarding, profiteering, pagiipit at pagkontrol sa presyo at suplay ng mga agricultural products.

Tinukoy rito ang mga produkto na bigas, asukal, mais, karneng baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda, at mga gulay tulad ng repolyo, brocolli at cauliflower.

Sa panukala ay makukulong sa loob ng 17 hanggang 20 taon ang iipit sa suplay ng mga nabanggit na produkto na aabot sa halagang ₱1 million pataas maliban sa bigas na itatakda ang halaga sa ₱10 million pataas.

Lilikha rin ng isang Inter-Agency Council on Intelligence na atasang lumaban sa smuggling, hoarding,;profiteering at kartel.

Facebook Comments