Walang tigil ang isinasagawang operasyon ng Metro Manila Development Authority o MMDA laban sa mga colorum sa harap na rin ng pagdami ng bilang nang sasakyan ngayon ang bumabiyahe dahil sa kakatapos lamang na Semana Santa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit Head Colonel Bong Nebrija na nitong nakalipas na April 3 hanggang April 7 kasagsagan ng exodus papunta ng mga probinsya nakahuli sila ng mga colorum na mga bus at vans o ang mga sasakyang walang prangkisa.
Sinabi ni Nebrija, madalas nabubuking ang mga colorum na sasakyan matapos ang mga initial violation gaya nang maling pag parking o kaya moving violations.
Kaya naman ayon kay Nebrija, tuloy-tuloy ang anti-colorum operations ng MMDA para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Payo naman ni Nebrija sa mga pasahero na huwag sasakay sa mga colorum na sasakyan dahil walang fare matrix na sinusunod ang mga colorum na ito kaya maniningil kahit magkano lang at ang kaligtasan ng mga commuter ay walang kasiguruhan.