Ipinakilala ng Malacañang ang mga opisyal ng Pamahalaan na nakatutok sa pagpapatupad ng T3 strategy sa paglaban sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ilalim ng T3 strategy, ikakasa ang Test, Trace, at Treat para matiyak ang pagkontrol ng virus outbreak.
Si National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon ang Chief Testing Czar.
Itinalaga bilang Chief Tracing Czar si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Si Public Works Secretary Mark Villar ang magsisilbing Chief Isolation Czar.
Tatayo naman bilang Chief Treatment Czar si Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Sinabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na sinimulan na ng Pamahalaan ang ikalawang bahagi ng action plan na layong maibsan ang epekto ng pandemya sa ekonomiya at lipunan.
Magkakaroon ng localized lockdowns, malawakang information campaign ng health protocols at mahigpit na pagpapatupad ng health protocols at pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga lumalabag.