Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na iimbestigahan nito ang ikinasang anti-criminality operations ng militar at pulisya sa tatlong bayan sa Negros Oriental.
Sabi ni Police Colonel Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, walang magaganap na white wash sa imbestigasyon ng kanilang internal affairs service.
Layon nitong patotohanan na mali ang ibinibintang sa kanila ng mga militanteng grupo na hindi ito dumaan sa due process at na pinatay ng walang kalaban-laban ang 14 na magsasaka na target ng ikinasang operasyon.
Matatandaang sinibak nitong nakalipas na linggo ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang hepe ng Negros Oriental Provincial Police Office na si Colonel Raul Tacaca at ang chiefs of police ng Sta. Catalina, Canlaon at Manjuyod.
Una nang ipinanawagan ng mga militanteng grupo ang pagbibitiw ni Albayalde bagay na minaliit lamang nito at ng Palasyo dahil sa walang batayang bintang.