Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang napabalitang pagbebenta ng mga estudyante ng malalaswang video at larawan para may pantustos sa distance learning.
Ayon kay Go, ipapatawag ni Pangulong Duterte ang anti-cybercrime authorities dahil nais niya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil dito.
Dagdag pa ni Go, ang pagsasamantalang ito sa mga kabataan ay pinapatutukan na rin ni Pangulong Duterte sa Council for the Welfare of the Children.
Diin naman ni Go, dapat hulihin at mapanagot ang mga taong kasabwat sa ganitong uri ng pagsasamantala sa mga kawawang estudyante na nagigipit at nais magpatuloy ng pag-aaral.
Pinayuhan ni Go ang mga mag-aaral na hindi dapat pumasok sa ganitong gawain kung gustong mag-aral dahil maaari namang lapitan ang gobyerno.
Tiniyak ni Go na bukas din ang kanyag tanggapan para sa mga estudyanteng manghihingi ng tulong para makapag-aral.