Manila, Philippines – Magpapalabas si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng department order na aatas sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang kontrobersiya sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa harap ito ng report na ang nasabing bakuna ay nagdudulot ng panganib sa mga hindi pa nagkasakit ng dengue.
Ayon kay Aguirre , aalamin ng NBI sa fact-finding probe kung may pananagutan sa batas ang mga opisyal na nasa likod ng nasabing proyekto na inaprubahan ni dating Health Sec. Janette Garin sa nakalipas na administrasyon.
Lumalabas aniya sa mga impormasyon na nakakarating sa DOJ na ang nasabing programa ay isinulong ni Garin sa kabila ng mga pagtutol ng medical experts dahil sa kawalan ng certification mula sa World Health Organization.
Tiniyak ni Aguirre na agad na magsasampa ng kaso ang NBI oras na mapatunayang may paglabag sa batas ang mga nasa likod ng anti-dengue vaccine program.