Manila, Philippines – Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado ay ipinagtanggol ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang paglalaan ng 3.5 billion pesos na pinambili sa kontrobersyal na Anti-Dengue Vaccine o Dengvaxia.
Ayon kay Aquino, binigyan niya ng go signal ang paggamit ng government savings noong magtatapos na ang 2015 dahil magi expire na ang nasabing salapi.
Ipinaliwanag ni Aquino na pagsapit ng December 31, ang pondo ng gobyerno na hindi nagamit ay babalik sa national treasury.
Sa kabila ng paliwanag ay nanatili naman ang pagdududa ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon sa masyadong mabilis na proseso sa pagbili ng nabanggit na bakuna.
Binanggit pa ni Gordon na may mga akusasyon o isyu sa ibang bansa laban sa Sanofi na siyang manufacturer ng Dengvaxia.
Pero ayon kay Aquino, wala siyang alam sa mga akusasyon laban sa Sanofi Pasteur.
Si dating Health Secretary Janet Garin naman ay humabol sa pagdinig pagamat siya ay bagong opera.
Pinanindigan ni Garin ang desisyon ng DOH noon panahon niya na bilhin ang nabanggit na vaccine dahil patuloy ang pagtaas noon ng kaso ng dengue bagamat hindi ito ang sakit na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa.
Mariin ding itinanggi ni Garin na siya ay nakipagnegosasyon para sa presyo ng Dengvaxia.