Manila, Philippines – Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na kasama si dating Pangulong Noynoy Aquino sa iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sinabi ni Aguirre na lahat ng may kinalaman sa proyekto ay kasama sa iimbestigahan ng NBI.
Kahapon, nagpalabas na si Aguirre ng department order na nag-aatas sa NBI na magsagawa ng fact-finding investigation sa nasabing bakuna na nagdudulot ng panganib sa mga hindi pa nagkasakit ng dengue.
Ayon sa kalihim, aalamin ng NBI sa fact-finding probe kung may pananagutan sa batas ang mga opisyal na nasa likod ng nasabing proyekto na inaprubahan ni dating Health Sec. Janette Garin sa nakalipas na administrasyon.
Lumalabas aniya sa mga impormasyon na nakakarating sa DOJ na ang nasabing programa ay isinulong ni Garin sa kabila ng mga pagtutol ng medical experts dahil sa kawalan ng certification mula sa World Health Organization.
Tiniyak ni Aguirre na agad na magsasampa ng kaso ang NBI oras na mapatunayang may paglabag sa batas ang mga nasa likod ng anti-dengue vaccination program ng DOH.