Manila, Philippines – Mag-aaksaya lang ng pera ang gobyerno kung itutuloy ang pagkuha ng mga eksperto mula sa Asya na magsasagawa ng pagsusuri patungkol sa ikinamatay ng 56 na biktima na naturukan ng Dengvaxia.
Sa ginanap na Forum sa Kapihan ng Samahang Plaridel sa Manila Hotel, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Rueda Acosta na tatlong Asian experts ang magsasagawa ng eksaminasyon kung talagang Dengvaxia ang ikinamatay ng mga biktima.
Ayon naman kay PAO Forensic Expert, Dr. Erwin Erfe, ang pagkuha ng DOH sa Asian Experts ay preparasyon lamang sa magiging depensa ng mga kasalukuyan at mga dating opisyal ng kagawaran na nahaharap ngayon sa mga kasong criminal.
Naniniwala si Dr. Erfe, ang pagkuha ng Asian Expert ay katulad aniya ng pagkuha ng UP PGH Panel of Expert dahil hindi naman alam kung ano ang gagamitin nilang resulta sa kanilang gagawing examination na mga naturukan ng Dengvaxia.
Kumpiyansa si Dr. Erfe na ang mga Pathologists at Forensic experts lamang na mga Filipino ang maaaring mapagtiwalaan pagdating sa usapin ng Dengvaxia dahil sa Pilipinas lamang may naganap na malawakang pagbabakuna sa mga inosenteng mag-aaral.
Matatandaang ibinatay ng medical team ng PAO ang kanilang findings sa inilabas na advisory ng Sanofi Pasteur noong 2015 hinggil sa mapanganib na senyal sa mga nabakunahan ng Dengvaxia gaya ng pagkakaroon ng allergic/anaphylactic reaction, viscerotropism and neurotropism, mabilis na paglala ng sakit na Dengue mula nang mabakunahan at paghina ng katawan na lumaban sa Dengue.