Manila, Philippines – Muling ipatutupad sa July 6 ang Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act.
Ito ay matapos mailathala sa mga pahayagan kahapon ang Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Sa ilalim ng batas, huhulihin ang driver na gumagamit ng mobile device o anumang device habang umaandar ang sasakyan, nakahinto sa stop light, o kaya ay sa intersection.
Itinatakda rin ng batas na dapat klaro ang windshield at walang isasabit at ilalagay sa dashboard.
Kung maglalagay man, hindi ito dapat lalagpas sa sukat na apat na pulgada mula sa baba ng dashboard.
Hindi naman huhulihin ang mga gumagamit ng mobile device sa pamamagitan ng earphones at speaker phones.
Unang ipinatupad ang batas noong May 18 ngunit nagkagulo sa pag-intindi ng batas ang mga motorista kaya sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad nito noong May 23.