ANTI-DRAG RACING ORDINANCE SA TAYUG, APRUBADO NA

Mahigpit nang ipinagbabawal ang drag racing sa mga lansangan at highway sa Tayug kasunod ng pag-apruba sa Anti-Drag Racing Ordinance na inihain ng konseho sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa inilabas na paliwanag ukol sa ordinansa, layunin nitong tugunan ang mga reklamong natatanggap mula sa mga residente hinggil sa umano’y ilegal at mapanganib na pagkakarera, lalo na tuwing gabi.

May mga naiulat ding insidente ng halos pagkakaaksidente dahil dito, na nakaaapekto rin umano sa mga residente dahil sa ingay at posibleng pinsala sa kanilang mga ari-arian.

Nakasaad sa ordinansa na papatawan ng multa at kaukulang parusa ang mga mahuhuling kalahok, organizer, at maging mga tagapanood.

Hiling naman ng ilang residente na matutukan ang pagpapatupad ng ordinansa upang tuluyang mapigilan ang ganitong uri ng aktibidad sa bayan.

Samantala, nakatakda ring ihain sa bayan ang ordinansang tutugon sa noise regulation mula sa mga modified o aftermarket muffler para sa kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada at sa mga motorista.

Facebook Comments