Anti-Endo Bill, handang i-overide ng Senado – Sotto

Inihayag ni vice presidential aspirant Senate President Vicente Sotto III na handa ang Senado i-override ang Anti-Endo Bill na nauna nang vineto ng Palasyo ng Malakanyang noong 2019.

Ayon kay Sotto, nang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinasa nilang Anti-Endo Bill ay tinanong niya ang Palasyo kung anong dapat ayusin sa panukala para maisabatas ito, pero wala aniya silang natanggap na tugon.

Paliwanag pa ni Sotto, basta’t mabigyan lang sila ng go-signal ng Malakanyang ay maaari nilang i-overturn ang veto ng pangulo sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa May 23 at hindi na kailangan pa ng bagong panukalang batas para maisabatas ang Security of Tenure bill.


Gayunpaman, kailangan nuna aniyang tiyakin na hindi pa napapaso ang prescribed period para sa pag override ng veto.

Sakaling magdesisyon ang Kongreso na i-override ang veto ng pangulo ay hiwalay na ikokonsiderang muli ng Kamara at Senado ang panukalang batas o ang mga item nito na hindi aprubado ng pangulo.

Kapag nakakuha ng tig two-thirds na boto mula sa Kamara at Senado ang Reconsidered Bill ay magiging ganap na itong batas.

Binigyang-diin pa ni Sotto na ito lang ang tanging paraan para makapagpasa ng Anti-Endo Bill bago matapos ang Duterte Administration dahil hindi na sapat ang panahong nalalabi sa Kongreso para sa panibagong bill.

Facebook Comments